R and T Travel and Tours sa Cavite, Ipinasara ng DMW; Illegal Recruiter, Arestado
Ipinasara at inaresto ang isang illegal recruiter ng R and T Travel and Tours sa isinagawang entrapment at closure operations ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pangunguna ni Migrant Workers Undersecretary Bernard P. Olalia sa pakikipagtulungan ng PNP-CIDG ng Cavite sa pangunguna ni Police Colonel Romulo C. Dimaya Jr. ngayon, Enero 26, 2026, sa Tanza, Cavite.
Ang naturang operasyon ay kaugnay ng ulat ng umano’y ilegal na pag-aalok ng trabaho bilang hotel cleaner at laundry shop worker sa South Korea na may pangakong sahod na 2.2 hanggang 2.5 milyong won o humigit-kumulang ₱85,000 hanggang ₱125,000 kada buwan. Kaugnay nito, sinisingil umano ang mga biktima ng down payment na ₱35,000 hanggang ₱40,000 para sa ₱80,000 processing fee na hindi kabilang ang plane ticket, habang ang natitirang halaga ay babayaran sa oras o bago ang deployment.
Natukoy sa isinagawang operasyon ang modus operandi ng ahensya na paggamit ng G1 visa na para sa humanitarian o refugee purposes bilang pantakip sa ilegal na recruitment. Muling pinaalalahanan ng DMW ang publiko na maging mapagmatyag sa mga alok ng trabaho sa ibang bansa, tiyaking lehitimo at awtorisado ang recruitment agency, at iwasan ang pagbabayad ng anumang placement o processing fee sa mga hindi rehistrado. Hinikayat din ang mga mamamayan na agad i-report sa DMW ang mga kahina-hinalang alok upang maprotektahan ang kapakanan ng ating mga kababayang nais magtrabaho abroad.
